Kahit saan ako lumingon nakakakita ako ng magaganda. Hindi dahil inggitera ako o mapamuna ha. Pero tsek ko ulit baka inggit nga lang. Nagagandahan lang talaga ako sa mga babaeng mala-Jessy Mendiola o Gabby Garcia kung pumorma. Yung tipong nagiiba-iba ng kulay ng buhok kada buwan; minsan kulot, minsan diretso naman; o kaya naman naka “pichi pixie” o naka “she bangs” si ate mo.
Nakakahumaling din pagmasdan ang kanilang mga kolorete sa mukha. Iba’t ibang kilay ang nakaguhit; minsan may parang hugis martilyo, minsan naman hugis arko. May mga matang napuno ng pekeng pilikmata o di kaya’y sinubukang magkaroon ng mata ng pusa – salamat sa eyeliner. Minsan pa nga nakakagutom ang mga kolorete sa talukap nila, parang smoky barbeque o kaya halo halo smoky eyes. Tapos ang mga labi nagkikintaban! Parang laging bagong kain ng lechon o monay na may mantikilya! Arrghhhh….. Di din natin papalagpasin ang sikat na sikat ngayon na dinaig pa ang “conjouring” — ang contouring, bow. Contour sa nose lines para tumangos o lumiit ang ilong, contour sa pisngi para umumbok ng konti, contour sa noo para di mang-akit ng eroplano para mag-landing, at contour sa panga o baba para mawala ang double chin o kaya naman magka angas ang mukha.
Partida, ulo pa lang yan ah. Pano pa kaya sa katawan? Syento por syento sangkatutak ang retoke nyan. [pag sinabi kong retoke yung di orihinal tapos binago mo…yung tipong walang kalasa- lasa yung nabili mong pansit sa kanto nyo kaya yung nanay mo dali-daling niretoke gamit ang betsin at paminta- hayun! nagkalasa!]
Halimbawa na lang, yung katotohanang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas ng porsyento ng produksyon at konsumo ng mga pampaputi at pampakinis. So aminin na natin, marami ang tumatangkilik ng mga pampaganda talaga simula sa tableta at iniksyon hanggang sa mga sabon at lotion. Pak na pak! Effective nga ba!?
Naalala ko tuloy yung balita sa radyo singko kamakailan lang… sa kagustuhan ni bebe gurl magpakinis at magpaputi ng leki- leki gumamit sya ng “goree”. At sa kasamaang palad imbis na malalabanos na kutis ang maatim, hala ka! naging skinny longganisa ang kanyang pinakaiingat-ingatan. Naku naku… nakakalungkot. Balik tayo sa masaya… ✌🏼😅
Di naman masamang magpaganda, lalo na kung likas ka na talagang maganda. Di naman ako yung gagastos eh, pera mo naman yan. Pero tandaan mo may mga taong humahanga pa rin sayo sa kahit na anong paraan. Di naman basehan ang pisikal na hitsura para sabihing maganda ka. At lalong hindi basehan ang depinisyon ng lipunan sa “maganda” para tanggapin ka. Tandaan mo, si barbie ay plastik na laruan at ikaw? Hindi kita kayang paglaruan….❤️ 😅
kasi tao ka. Te TAO KA. At tsaka babae din ako, linyahan lang ng mga lalaki yan wag kang kiligin ‘day. ✌🏼
Syempre di naman tayo perpekto ano? Minsan gusto ko na din tuloy magmake-up araw-araw at pumorma katulad nila para maganda ako sa paningin ng iba. Yung tipong kakain ka lang ng isaw sa kanto tapos naka pang IG post ang pormahan mo.
Pero pag gagawin ko na… eh kashee … ano ehhh….
na…..naa….
naaalala ko pa din na mas mahalagang maging simple at maganda sa paningin ng nagiisa — yung tanggap ka kahit sino ka pa, kahit ano ka pa. Yung tipong mahal na mahal ka at masayang makita ka kahit pagkagising na pagkagising mo sa umaga. Yung di ka pagpapalit kahit pinipili mo iba.
Sa paningin NIYA kasi ikaw ay ikaw dahil sa Kanya, dahil likha ka Niya at walang pangit na nagdaan sa mga kamay Niya. ☺️