Ikaw ay Dagat

Ikaw ay dagat.

Angkin mo ang karikitang

umuukit sa aking balintataw

 

Di matumbasan ang

Iyong pinagtagpi-tagping

kalaliman

 

na nais ninomang

sisirin,

yapusin.

 

Agos na naising damhin

bawat hampas ng alon ay

sampal na maligayang tatanggapin

 

Hingang malalim…

 

Di na nais pang pumangibabaw

masilayan lamang ang

misteryosong kababalaghan

 

pinipilit usisain na

parang duyog,

mahirap isipin

 

tila badhi

na mahirap bilangin

mga talang mahirap hagilapin

 

Ikaw ay dagat

at ako ay namulat

sa dagli-dagli mong pag-alat

 

kung ang hatid nito

sa aking balat ay

lagkit at hapdi

 

na sa bawat pag-ahon

ay di maikukubli

lubos kong nanamnamin

 

di na hihilingin

na lisanin ang

kaibuturan mong lihim

 

pagkat ang manatili sa

iyong piling, kahit pa anong

yaman sa mundo ay dadaigin.

 

ang buo kong pagkatao

ay iyong pukawin

akitin, panglaw ay hawiin

 

Ako ay balutin,

lukuban ng Iyong

kabanalan at damdamin.

 

Ikaw ay dagat.

Ika’y aking lalanguyin.

 

Ikaw ay dagat.

Ako ay Iyong lunurin.

 

Ikaw ay dagat

na aking sisisirin.

 

 

Ikaw ay

DAGAT.

 

 

 

 

photo credit: WaterHappy Blog | Sophia Michalopoulou

Published by Theopneustos. ph

From History to His Glory

Leave a Reply

error: Content is protected !!